Petro Gazz kinapos sa Chery Tiggo

Pinaluan ni Eya Laure ng Chery Tiggo si Remy Palma ng Petro Gazz.
PVL photo

MANILA, Philippines — Ibinilang ng Chery Tiggo ang Petro Gazz sa kanilang mga biktima.

Tinakasan ng Crossovers ang Gazz Angels, 25-21, 18-25, 22-25, 25-19, 15-13, para sa ikalawang sunod na panalo sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Bumira si birthday girl Eya Laure ng 15 points mula sa 14 attacks 1 block bukod sa 12 excellent digs para pamunuan ang Chery Tiggo na nauna nang pinatumba ang nagdedepensang Creamline para tumabla sa Petro Gazz sa 4-2.

“Iyong mga coaches namin talagang pinapaalala sa amin kung sino kami,” wika ni Laure.

Nakatabla ang Crossovers sa 2-2 matapos maiwanan ng Gazz Angels sa 1-2.

Sa fifth set ay bumida si Mylene Paat sa paghataw niya sa huling tatlong puntos ng Chery Tiggo, habang ang over attack ni Jonah Sabete ang nagsuko sa Petro Gazz.

Samantala, buma­ngon ang nagdedepensang Creamline mula sa una nilang kabiguan matapos ang 25-18, 25-14, 25-15 demolisyon sa Capital1 Solar Energy.

Pumalo si Tots Carlos ng 14 points mula sa 12 attacks, 1 service at 1 block para sa 5-1 kartada ng Cool Smashers at nag-ambag sina Bernadeth Pons, Alyssa Valdez, Michele Gumabao at Jema Galanza ng 7 at tig-5 markers, ayon sa pagkakasunod.

Galing ang defending champions sa kabiguan sa Chery Tiggo na tumapos sa kanilang 19-game winning streak simula noong 2019 sa Reinforced Conference.

Show comments