Women’s races dinomina nina Prado, Bonilla at Altamarino

Sina (mula sa kaliwa) Jermyn Prado, Ange­lica Mae Altamarino at Kim Bonilla.
STAR / File

MANILA, Philippines — Ipinadyak nina Jermyn Prado, Kim Bonilla at Ange­lica Mae Altamarino ang ka­nilang mga ikalawang gold medal sa women’s ra­ces, habang bumandera si Nichol Pareja sa men’s competitions sa individual time trial (ITT) ng PhilCycling National Championships for Road 2024 na iti­nakbo sa Tuy at Nasugbu in Batangas.

Tumipa si Prado, ang da­ting Southeast Asian Games gold medalist, ng bilis na 43 minuto at 40.64 segundo sa 19.91-kilome­ter Women Elite race sa event na inihahandog ng Standard Insurance at MVP Sports Foundation at inor­ganisa ng PhilCycling at nasa kalendaryo ng In­ter­national Cycling Union (UCI).

Nagdomina si Bonilla sa 10.68-km  Women Junior competition sa kanyang tiyempong 26:43.60, habang bumandera si Altamarino sa 14.34-km Women Under-23 race sa bilis na 37:15.89.

Nauna nang nagwagi sina Prado, Bonilla at Alta­marino sa criterium races ng torneong suportado ng Tagaytay City, Chooks-To-Go, Excellent Noodles, CCN at Fitbar katuwang ang mga local government units sa Batangas at Ca­vite at PNP commands sa Batangas at Cavite at Bu­reau of Fire.

Samantala, nagsumite si Pareja ng 44:24.93 na apat na segundong mas ma­bilis sa gold medal-winning time sa nakaraang Philippine Nationals Games noong Disyembre para pagharian ang 25.78-km Men Elite race.

Pumadyak din ng ikalawang gintong medalya sina Yvaine Osias at Jhay Karl Nunez sa Youth 2 (under 14) sa kanilang mga oras na 13:45.53 at 11:12.60, ayon sa pagkakasunod.

Wagi si Maria Louisse Ale­jado sa women’s division sa kanyang tiyempong 23:12.60, habang nanguna si Jerick Cabael sa men’s class sa oras na 18:49.30 sa 5.38-km Youth 1 (under 14) race.

Bumandera naman si Samstill Mamites sa 10.68-km Youth 2 (14-16) compe­tition.

Show comments