Antetokounmpo sinapawan si Wembanyama

Giannis Antetokounmpo of the Milwaukee Bucks.
Stacy Revere / Getty Images / AFP

SAN ANTONIO, Philippines — Kumolekta si Giannis Anteto­kounmpo ng 44 points at 14 rebounds para banderahan ang Milwaukee Bucks sa 125-121 pag-eskapo sa Spurs.

Nag-ambag si Damian Lillard ng 25 points at 10 assists para sa Milwaukee (25-10) na sinira ang pagdiriwang ni top overall pick Victor Wembanyama ng San Antonio (5-29) ng kanyang ika-20 kaarawan.

Ito ang unang pagtutuos nina Antetokounmpo at ng 7-foot-4 na si Wembanyama matapos magkaroon ang French rookie ng sprained ankle noong Dis­yembre 19 sa Milwaukee.

Nagposte si Wemban­yama ng 27 points, 9 rebounds at 5 blocks para pa­­munuan ang Spurs na nakatabla sa 121-121 sa huling 53 segundo ng fourth period.

Ang Bucks ang umiskor sa huling dalawang basket para sa kanilang panalo.

Sa San Francisco, isi­nalpak ni Nikola Jokic ang isang three-pointer sa pagtunog ng final buzzer para sa 130-127 paglusot ng nagdedepensang Denver Nuggets sa Golden State Warriors.

Kumolekta si Jokic na may 34 points, 10 assists at 9 rebounds para sa Nuggets (25-11) na rumesbak mula sa isang 18-point deficit sa fourth quarter at talunin ang Warriors (16-18).

Ito ang ikaanim na sunod na road win ng defen­ding champions at ika-11 sa huli nilang 13 laro.

Ang jumper ni Jokic sa huling 26 segundo ng fourth period ang nagtabla sa Denver sa 127-127 na nasundan ng turnover ni Stephen Curry sa panig ng Golden State.

Show comments