Celtics giniba ang Clippers; Mavericks nilamog ang Spurs

Dinakdakan ni Boston Celtics guard Jayson Ta- tum si center Daniel Theis ng Los Angeles Clippers.
STAR/ File

LOS ANGELES — Humataw si star guard Jayson Tatum ng 30 points, habang may 24 markers si Jaylen Brown para banderahan ang Boston Celtics sa 145-108 pagmasaker sa Clippers.

Nag-ambag si point guard Jrue Holiday ng 20 points at 7 assists para sa Boston (22-6) na nagsalpak ng 25 three-point shots upang dumiretso sa kanilang pang-pitong panalo sa huling walong asignatura.

Umiskor si Paul George ng 21 points at nagtala si James Harden ng 14 points at 10 assists sa panig ng Los Angeles (17-12) na muling naglaro na wala si Kawhi Leonard dahil sa left hip contusion nito.

Hawak ng Celtics ang 28-21 abante matapos ang first quarter bago kumonekta ng siyam na triples sa second period para ibaon ang Clippers sa halftime, 68-51.

Sa Dallas, naglatag si Luka Doncic ng triple-double na 39 points. 12 rebounds at 10 assists para sa 144-119 pagpapatumba ng Mavericks (17-12) sa San Antonio Spurs (4-24) kung saan nagkaroon si rookie star Victor Wembanyama ng sprained ankle sa warmups pa lang.

Sa New York, nagsumite si Giannis Antetokounmpo ng 28 points, 7 assists at 7 rebounds, habang kumolekta si Bobby Portis ng 23 points at 11 boards sa 130-111 pag­lampaso ng Milwaukee Bucks (22-7) sa Knicks (16-12).

Sa San Francisco, nagkadena si Klay Thompson ng 28 points at may 27 markers si Stephen Curry sa 126-106 pagpapabagsak ng Golden State Warriors (15-14)sa Portland Trail Blazers (7-21).

Sa Atlanta, tumipa si Ja Morant ng 30 points at 11 assists para sa 125-119 pagsakmal ng Memphis Grizzlies (9-19) sa Hawks (12-17).

Sa New Orleans, kumamada si center Alperen Sengun ng career-high 37 points sa 106-104 paglusot ng Houston Rockets (15-12) sa Pelicans (17-13).

Sa Indianapolis, nagsalpak si Paolo Banchero ng 34 points sa 117-110 pagdaig ng Orlando Magic (17-11) sa Indiana Pacers (14-14) para tapusin ang kanilang four-game losing slump.

Sa Charlotte, nagtala si Michael Porter Jr. ng 22 points at humakot si Nikola Jokic ng 18 points, 10 rebounds at 9 assists sa 102-95 pagdispatsa ng nagdedepensang Denver Nuggets (21-10) sa Hornets (7-20).

Show comments