NEW ORLEANS — Tinapos ni Ja Morant ang kanyang pagkawala sa professional basketball sa pamamagitan ng isang matinding laro.
Itiniklop ni Morant ang kanyang 34-point season debut mula sa isang spinning dribble para isalpak ang game-winning floater sa 115-113 pagtakas ng Memphis Grizzlies kontra sa Pelicans.
Ito ang unang laro ni Morant matapos ang 25-game suspension dahil sa pagpapakita ng kanyang mga baril sa social media.
Bumangon ang Memphis mula sa isang 24-point deficit sa first half at agawin ang 113-111 abante mula sa basket ni Morant sa huling 1:22 minuto ng fourth period.
Nakatabla ang New Orleans sa 113-113 bago nagmintis ang dalawang koponan sa kanilang mga tangka sa 3-point line.
Sinelyuhan ni Morant ang panalo ng Grizzlies mula sa kanyang winning floater.
“I’ve been putting work in, man,” sabi ni Morant. “I ain’t play a game in eight months. Had a lot of time to learn myself. A lot of hard days where I went through it. But you know, basketball is my life — what I love, therapeutic for me. And I’m just excited to be back.”
Nag-ambag si Jaren Jackson Jr. ng 24 points at may 21 markers si Desmond Bane para sa Memphis (7-19).
Umiskor si Brandon Ingram ng 34 points sa panig ng New Orleans (16-12).
Sa San Francisco, humataw si Stephen Curry ng 33 points sa 132-126 overtime win ng Golden State Warriors (13-14) sa Boston Celtics (20-6).
Sa Milwaukee, nagpasabog si Damian Lillard ng season-high 40 points at naglista si Giannis Antetokounmpo ng triple-double na 16 assists, 14 rebounds at 11 points sa 132-119 panalo ng Bucks ( 20-7) sa San Antonio Spurs (4-22).
Sa Portland, nagposte si DeAndre Ayton ng 16 points at 15 rebounds sa 109-104 pagpapabagsak ng Trail Blazers (7-19) sa Phoenix Suns (14-13).