MANILA, Philippines — Sumosyo sa liderato ang NorthPort matapos ungusan ang Rain or Shine, 113-103, sa Season 48th PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagpasabog si Arvin Tolentino ng career-high 35 points tampok ang limang triples para sa 2-0 record ng Batang Pier at humakot si Australian import Venky Jois ng 30 points, 21 rebounds at 7 assists.
“Venky is an amazing player. Iyong good attitude niya, iyong character niya. “That’s why lahat kami nahawa sa kanya,” ani Tolentino kay Jois.
Nag-ambag si Joshua Munzon ng 15 points at may 11 at 10 markers sina JM Calma at rookie Cade Flores, ayon sa pagkakasunod.
Nalasap ng Elasto Painters ang ikalawang dikit na kabiguan matapos ang naunang 102-107 pagtukod sa Meralco Bolts (2-0).
Nalampasan ng NorthPort ang matinding paghahabol ng Rain or Shine mula sa 19-point deficit, 61-80, sa third period para makadikit sa 99-103 sa huling 2:55 minuto ng fourth quarter.
Ang dalawang free throws ni rookie guard Brent Paraiso kasunod ang agaw at fastbreak dunk ni Tolentino ang muling naglayo sa Batang Pier sa 107-99 sa huling 2:35 minuto ng final canto.
Naiwanan pa ang Elasto Painters sa 99-109 matapos ang basket ni Flores sa nalalabing 2:09 minuto ng laban.
Ipinoste ng NorthPort ang 48-38 abante sa 5:40 minuto ng second period patungo sa 61-50 halftime lead sa Rain or Shine na nakakuha kay import Dajuan Summers ng 32 markers, 8 boards, 3 assists at 8 turnovers.
Umiskor ng 15 points si Leonard Santillan para sa Elasto Painters.