MANILA, Philippines — Matapos ang makulay na karera sa Pilipinas ay sa France naman maglalaro ang pambatong big man na si Ange Kouame.
Magpapapasiklab para sa UB Chartres Metropole sa French league si Kouame na noong Setyembre pa nakapirma bago ang opisyal na anunsyo kahapon ng koponan.
Ito ang bagong kabanata sa karera ng 6-foot-11 player na mula sa Ivory Coast bago mag-aral sa Ateneo De Manila University sa UAAP.
Doon ay nagdomina si Koaume tungo sa tatlong kampeonato sahog pa ang Season MVP award noong Season 84 at Finals MVP honor noong Season 85. Tinulungan niya ring mag-kampeon ang Blue Eagles sa Filoil, PCCL at PBA D-League,
Subalit pinakamalaki ang ambag ni Kouame sa Gilas Pilipinas na nabalik bilang hari ng Asian Games matapos ang 61 na taon.
Solido ang performance ni Kouame sa finals kontra sa Jordan nang humakot siya ng 14 puntos, 11 rebounds, 5 steals at 2 blocks dagdag pa ang pambihirang depensa kontra sa ace big man ng Jordan na si Ahmad Al Dwairi.
Sa kabuuan, nag-rehistro siya ng 7.4 puntos, 6.1 rebounds, 1.6 steals at 1.1 blocks sa pitong laro bilang katambal ng pambatong naturalized player na si Justin Brownlee.