MANILA, Philippines — Wala paring gasgas ang University of the Philippines matapos paamuhin ang National U, 78-60, upang maangkin ang solo liderato sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Balanseng atake uli ang ipinamalas ng Fighting Maroons sa pangunguna ng 14 puntos ni Francis Lopez upang masikwat ang ikatlong sunod na tambak na panalo nito matapos kaldagin ang Adamson, 68-51, at University of the East, 84-69.
Nakaakbay ni Lopez sa 18-point win si reigning MVP Malick Diouf na may 12 puntos at 13 rebounds.
Nag-ambag din ng tig-8 puntos sina Reyland Torres, JD Cagulangan at Gerry Abadiano para sa UP na gigil makabawi ngayong season matapos maisuko ang korona sa Ateneo noong Season 85.
Nauwi sa wala ang 12 puntos ni Jake Figueroa para sa Bulldogs na sadsad sa 2-1 kartada para sa unang kabiguan nila.
Sa unang laro, sumandal ang Adamson sa game-winning triple ni birthday boy Vince Magbuhos upang silatin ang Ateneo sa overtime, 74-71.
Kumamada ng 11 puntos si Magbuhos, na nagdiwang ng kanyang ika-24 na kaarawan, para sa solidong suporta kina Eli Ramos at Cedrick Manzano na may 12 puntos.
Samantala, nasayang ang 12 at 10 puntos nina Mason Amos at Kai Ballungay, ayon sa pagkakasunod, para sa Blue Eagles na sumadsad sa 1-2 karta matapos ding mabigo sa NU sa opener.