MANILA, Philippines — Tutusukin ng Lyceum of the Philippines University ang kanilang pang-limang sunod na ratsada para mapanatili ang kapit sa liderato ng NCAA Season 99 men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Pirates ang Arellano Chiefs ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng ‘three-peat’ champions Letran Knights at San Beda Red Lions sa alas-4 sa FilOil Centre sa San Juan City.
Tangan ng Lyceum ang malinis na 4-0 kartada kasunod ang Jose Rizal (3-1), Mapua (3-1), San Beda (2-1), Emilio Aguinaldo College (2-1), Perpetual (1-2), San Sebastian (1-2), St. Benilde (1-3), Letran (0-3) at Arellano (0-3).
Ang 18-0 record ng Pirates sa regular season sa likod ni PBA superstar CJ Perez noong 2017 ang nagbigay sa kanila ng outright finals berth bago natalo sa nagkampeong Red Lions.
“Actually that’s one of our motivations. That’s one of our inspirations but let’s see,” ani Lyceum coach Gilbert Malabanan.
Sa pagtatala ng 4-0 baraha ay biniktima ng Pirates ang Knights, Blazers, Altas at Stags at inaasahang isusunod ang Chiefs.