MANILA, Philippines — Tumikada si Justin Brownlee ng game-winner upang buhatin ang Gilas Pilipinas sa dikit na 84-83 tagumpay kontra sa Iran at makaabante sa semifinals ng 2023 Asian Games kahapon sa Zhejiang University Zijingang Gymnasium sa China.
Umariba sa 36 puntos si Brownlee tampok ang pampanalong jumper sa huling 44 segundo tungo sa makasaysayang Final Four finish ng Pilipinas sa unang pagkakataon sa loob ng 21 taon.
Nag-ambag ng 18 puntos at 9 rebounds si June Mar Fajardo habang may 11 points at 6 rebounds si Scottie Thompson para sa Gilas, na huling nakapasok sa Asian Games semis noon pang 2002 edition sa Busan, South Korea.
Makakasagupa ng Gilas sa semifinals ang China, na tinalo ang South Korea, 84-70, para sa tsansang makaakyat pa sa finals at makasiguro ng unang medalya nito sa loob ng 25 taon.
Huling nag-uwi ng tansong medalya ang bansa noong 1998 Asiad sa Bangkok, Thailand tampok ang Philippine Centennial team sa ilalim din ni head coach Tim Cone.
Nakasakay sa madaling 80-41 panalo kontra Qatar sa knockout qualification, mainit uli ang naging simula ng Gilas hanggang sa makapagtayo ng 64-43 lead sa third quarter.
Siguradong maghahanda ngayon ang Gilas sa kanilang rematch kontra sa China matapos ang 96-75 panalo noong 2023 FIBA World Cup na sa Pilipinas ginanap.