MANILA, Philippines — Hindi nagbigay ng prediksyon si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino para sa medalyang makukuha ng mga Pinoy athletes sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Ngunit kumpiyansa siyang kundi man maduplika ay malalampasan ng bansa ang nahakot na apat na gold, dalawang silver at 15 bronze medals sa nakaraang edisyon sa Jakarta at Palembang, Indonesia noong 2018.
Ito ay sa kabila ng hindi paglalaro ni two-time world gymnastics champion Caloy Yulo na mas piniling lumahok sa 2024 Paris Olympic Games qualifying.
“Kaya pa even without Caloy,” sabi ni Tolentino. “Minimum of four. Para bawi lang iyong sa Asian Games.”
Sina Tokyo Olympic gold medalist at weightlifter Hidilyn Diaz, golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go at skateboarder Margielyn Didal ang nagbigay sa bansa ng apat na gold medals sa 2018 Asiad.
Tumapos ang Pinas sa No. 19 sa overall medal standings sa hanay ng 37 bansa.
Muling lalahok ang 42-anyos na si Diaz-Naranjo sa posible niyang pinakahuling Asian Games habang isa nang Japanese citizen si Saso na hinirang na US Women’s Open champion noong 2021.
Bukod kay Diaz-Naranjo ay inaasahan din ni Tolentino na magbibigay ng ginto sa Pilipinas sa Hangzhou Asiad sina World No. 3 pole vaulter Ernest John Obiena, Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze medalist Eumir Felix Marcial pati na si Fil-Canadian swimmer Kayla Sanchez.
Dala ng 27-anyos na si Obiena ang paghahari sa mga nakaraang World Athletics Championship sa Hungary at sa Asian Athletics Championship sa Bangkok, Thailand.
Siya pa lamang ang unang Pinoy athlete na nakakuha ng Olympic berth sa Paris, France.
Lalangoy naman ang 22-anyos na si Sanchez sa limang events sa Hangzhou.
Bilang miyembro ng Canadian national team ay nanalo si Sanchez ng silver sa 4x100 meter freestyle sa Tokyo Olympics at dalawang silver sa 4x100 meter mixed freestyle at 4x100 meter freestyle sa 2022 World Championship sa Budapest.