MANILA, Philippines — Aabante pa o uuwi na?
Iyan ang magiging tema ng sagupaan para sa walong koponan sa knockout games para sa natitirang apat na tiket sa quarterfinals ng 2023 FIBA World Cup.
Maglalaglagan ang Serbia at Dominican Republic pati na ang Italy at Puerto Rico sa Smart Araneta Coliseum habang win or go home din ang duwelo ng reigning champion Spain kontra sa Canada at Brazil laban sa Latvia sa Jakarta, Indonesia.
Pare-parehong may 3-1 kartada ang lahat ng koponan sa kani-kanilang grupo sa second round na nagtakda ng virtual knockout games para sa silya sa quarterfinals na gananapin sa Mall of Asia Arena.
Nagkabuhul-buhol ang walong koponan matapos ang mga silat na tagumpay, pinakamalaki na ang 74-69 panalo ng first-time World Cup team na Latvia sa Spain sa Jakarta.
Pinataob din ng Brazil ang Canada na hitik sa mga NBA players, 69-65, sa parehong venue at nakasikwat ng panalo ang Italy sa Serbia, 78-76, at ang Puerto Rico kontra sa Dominican Republic, 102-97, sa Big Dome.
Unang nakapasok ang USA at Lithuania sa Group J sa MOA Arena pati na ang Germany at Slovenia sa Group K sa Okinawa, Japan hawak ang pare-parehong 4-0 kartada.
Maglalaban na lang para sa top seed ng kanilang mga grupo ang USA at Lithuania pati na ang Slovenia at Germany ngayon kasabay ng knockout games sa iba’t ibang venues.