Afan sumikwat ng gold sa World Grappling Championship

MANILA, Philippines — Gumawa ng kanyang pangalan si Pinoy fighter Fierre Afan matapos maging isang world grappling champion.

Tinalo ni Afan si Frenchman Ethan Sebastian Forrez, 15-2, sa finals ng -71-kg GP Gi men’s division para sa gold medal sa 2023 World Grappling Championship sa Warsaw, Poland.

“So difficult but I made it and so sweet,” wika ni Afan na kakatawan sa Pilipinas sa World Combat Games sa Oktubre 21-30 sa Riyadh, Saudi Arabia. “All opponents here are so strong, quick, versatile and smart that’s why I fought wisely, and I outsmarted everyone.”

Nauna nang kumuha ang tubong Marikina City ng dalawang gold medals sa United World Grappling Asian Championships noong Hunyo sa Astana, Kazakhstan.

Bago gibain si Forrez sa finals ay tinalo muna ni Afan si Eryk Marcin Szychowski ng Poland, 10-3, bago isinunod si Alau Sakenuly ng Kazakhstan, 4-2, sa se­mifinals.

Samantala, dalawang bronze medals ang inangkin ni Lucas Aguilar, anak ni Wrestling Association of the Philippines (WAP) president Alvin Aguilar, sa 63kg U-17 grappling gi at no gi classes.

Bukod kina Afan at Aguilar, ang iba pang Pinoy grapplers na sinuportahan ng Philippine Amusements Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) ay sina Aisa Ratcliff, Lucho Aguilar, Joko Silverio at Annie Parungao.

Naniniwala ang WAP chief na si Aguilar na ang tagumpay ni Afan ang simula ng pagbubukas ng mga oportunidad para lalo siyang makilala sa buong mundo.

“He definitely proven himself time after time that he’s ready for bigger things,” wika ni Aguilar, ang founder din ng DEFTAC. “I am looking forward to Afan’s future and I am very excited to see him fight in the World Combat Games.”

Si Afan ay ginabayan nina Aguilar at Michael Tabamo, samantalang si Lester del Rosario ay nagsilbing international re­feree sa nasabing weeklong competitions.

Show comments