Elasto Painters nalusutan ng UAE

MANILA, Philippines — Nalasap ng Rain or Shine ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan sa 2023 W. Jones Cup matapos malusutan ng United Arab Emirates, 71-73, kahapon sa Taipei He­ping Gymnasium sa Taiwan.

Nauna nang yumukod ang Elasto Painters sa 79-98 pagkatalo sa Chinese Taipei-A at sa 79-89 kabiguan sa Chinese Taipei B para sa 0-3 kartada sa torneo.

Humugot si Hamid Abdulateef Abreiki ng 15 sa kanyang 22 points sa fourth quarter kasama ang isang three-point shot na nagbigay sa UAE ng 71-69 abante sa huling dalawang minuto.

Ang basket naman ni forward Nick Demusis ang nagdikit sa Rain or Shine ni coach Yeng Guiao sa 71-72 agwat.

Bigo ang opensa ng Elasto Painters sa nala­labing 24 segundo bago ibigay ni Abreiki ang two-point lead sa UAE.

Nadepensahan naman ng UAE ang 3-point attempt ni Elasto Painters’ shooting guard Gian Mamuyac sa final buzzer.

Tumapos si Demusis na may 12 points habang may 12 markers din si white import Nick Evans ngunit hindi nakaporma sa final canto.

Show comments