19 junior tankers kakasa sa Jakarta tilt

Sina Philippine Swimming Secretary-General 1st District Batangas Congressman Eric Buhain kasama sina National Junior record holder Jamesray Ajido at swimming president Miko Vargas (kanan).

MANILA, Philippines — Isasabak ng Philippine Swimming, Inc. (PSI) ang isang 19-man national team sa 45th Southeast Asian Age Group Aquatics Championships sa Agosto 24-26 sa Jakarta, Indonesia.

Pamumunuan nina multiple national junior record-holder James Ray Michael Ajido at 2022 World Junior Championship campaigners Amina Isabelle Bungubung, Mishka Sy at Jalid Taguinod ang mga batang tankers.

“Marami tayong inspirasyon sa mga batang ito, ang ating susunod na henerasyon ng mga kampeon sa paglangoy,” ani PSI Secretary-General at 1st District Batangas Rep. Eric Buhain.

Ang 14-anyos na si Ajido, nagwagi ng dalawang gintong medalya sa 13-under division noong nakaraang taon sa Kuala Lumpur, Malaysia, ay kuwalipikado para sa boys’ 14-15 class 200-meter Individual Medley (2:14.33), 50-meter butterfly (26.12) at 100-meter butterfly (57.46).

Nakapasa ang 19 swimmers sa qualifying standard criteria sa isinagawang serye ng mga open tryouts noong Hulyo sa Luzon, Visayas at Mindanao.

“The best of the best as I see it. And since talagang nagpa-tryouts tayo all over the country well represented ang mga regions sa composition ng team natin which is a good sign that swimming is changing for the better,” dagdag ng dating Olympian at swimming legend na si Buhain.

Lalangoy din sa SEA Age Group Aquatics Championships sina Clark Kent Apuada, Ava Samantha Bautista, Ivo Nikolai Enot, Joshua Park, Aishel Evangelista, Estifano Joshua Ramos, Lance Rafael Cruz, Patricia Mae Santor,  Shairinne Floriano, Peter Cyrus Dean, Jie Angela Mikaela Talosig, Catherine Cruz, Arabella Taguinota, Bea Mabalay at Jennuel Boo De Leon.

Napabilang sa koponan sina Apuada at Bautista matapos magsumite ng qualifying time na pirmado at napatotohanan ng organizing head ng nilahukang torneo sa US

Pinangalanan ni Buhain si Ramil Ilustre bilang head coach habang mga assistant sina Cyrus Alcantara, Manuel De Leon, Mark Pido at Wilfredo Cruz.

Show comments