Programa ng JSAP haharurot dahil sa basbas ng POC

JSAP president Harley David

MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Philippine Olympic Committee (POC) ang Jet Sports Association of the Philippines (JSAP) bilang regular member.

Dahil dito ay inaasahang haharurot ang gagawing mga programa ni JSAP president Harley David para maipakilala ang jetski sa mga Pinoy.

Lubos ang pasasalamat ni David kay POC president Abraham "Bambol" Tolentino dahil sa pagbibigay ng basbas sa jet sports association bilang regular member ng POC.

“Malaking tulong ito sa aming mga programa para mas mapaigting ang aming sports at makapagbigay ng dangal sa ating bayan,” ani David kahapon sa Tabloids Organization in Philippine Sports Inc. (TOPS) “Usapang Sports” sa PSC Conference Room sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.

Maaari na rin ngayong humingi ng tulong pinansyal ang JSAP kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richard Bachmann para sa kanilang mga programa.

“Talagang kailangan namin ang tulong ng POC at ng Philippine Sports Commission,” dagdag pa ni David sa programang itinataguyod ng PSC, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.

Sa kabila ng mga kakulangan sa equipment ay nananatiling matikas at palaban ang mga Pinoy jetski riders sa international scene kabilang si Louie Buhisan sa katatapos na Round 2 ng Waterjet World Series sa Vinchy, France.

“Marami na tayong world champion. Nandiyan si Paul del Rosario at ito lang recently sa France nanalo ang atleta nating si Louie Buhisan,” wika ni David.

Pinaghahandaan ni David ang Round 3 ng JSAP Jetski National Championship sa Agosto 12-13 sa Subic at ang Finals ay nakatakda sa Setyembre 9-10.

Ang top 3 (Junior, Women at Men’s) sa National Finals ang ipadadala sa Amerika at sa Kings Cup sa Thailand sa Oktubre.

“Sa mga nagsisimula, mayroon naman kaming naipapahiram na gamit. Ginagawa namin, nagpapalaro kami sa Cebu sa GenSan, then iyong mga magagaling doon sa kanilang area ay inilalaban namin sa national level,” ani David.

Show comments