Lady Spikers hinatawan ang Lady Altas

MANILA, Philippines — Iniligpit ng UAAP champion De La Salle University ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-11, 25-17, 25-12, sa Pool A sa pagsisimula ng 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals kahapon sa Filoil EcoOil Centre.

Naglaro man na wala sina UAAP Rookie-MVP Angel Canino at libero Justine Jazareno ay tinalo pa rin ng mga Lady Spikers ang mga Lady Altas.

Humataw si UAAP Best Middle Blocker Thea Gagate ng 12 points mula sa walong hits at apat na blocks para pamunuan ang La Salle na nakahugot kina Amie Provido, Alleiah Malaluan at Shevana Laput ng 12, 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.

“We executed pero sa totoo lang, marami pa ka­ming lapses. Hopefully, tuluy-tuloy kasi lahat dito sa SSL naghanda. So kailangan irespeto namin lahat ng kalaban,” ani deputy mentor Noel Orcullo.

Pumalo si NCAA MVP Mary Rhose Dapol ng walong puntos sa panig ng Perpetual.

Samantala, tinalo ng Enderun Colleges ang Notre Dame of Dadiangas University, 27-25, 25-22, 25-14, sa Pool D.

Tumipa si Althea Virnyce Botor ng 17 points para pa­ngunahan ang Lady Titans.

“Slow start but luckily, we won. The girls played their hearts out lalo na ‘nung kailangan na namin ng puntos,” wika ni Enderun coach Ariel Dela Cruz.

Binanderahan ni Andrea Sendico ang mga Kingfishers sa kanyang 10 points.

Show comments