MANILA, Philippines — Nagkaisa ang 11-man Board of Trustees na iluklok si long-time swimming patron Michael ‘Miko’ Vargas bilang bagong pangulo ng Philippine Swimming, Inc. (PSI) kahapon sa ginanap na National Congress and Election.
Ang 43-anyos na si Vargas ang ikalawa sa tatlong anak ni dating POC president at boxing association chief Ricky Vargas.
“I’m very happy and proud at binigyan ninyo ako ng pagkakataon na maging head ng swimming association. Of course, nagpapasalamat ako kay Cong. Eric Buhain na siya naman talagang naging puso ng asosasyon,” ani Vargas, dating Bureau of Customs collector at patron ng swimming program ng Congress of Philippine Aquatics, Inc (COPA) na pinamumunuan ni Buhain.
Ang two-time Olympian at swimming legend na si Buhain ay nahalal bilang secretary-general habang nakuha ni Jessie Arriola, kinatawan ng Visayas region, ang posis-yong vice president at ang diving coach na si Marie Dimanche ang nahalal na treasurer.
“Ang atin pong pangulo na si Miko Vargas ay matagal nang silent supporter ng sports, higit sa swimming,” sabi ni Buhain. “Sa naging development at nagkaroon tayo ng election, kinausap ko na siya na lumabas at magpakilala dahil naniniwala ako na malaki ang maitutulong niya sa ating sports.”
Nanumpa ang bagong Executive Board kay POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, sa harap ng World Aquatics Electoral Board na sina Atty. Edwin Gastanes (chairman), POC legal counsel Atty. Wharton Chan, Atty. Marcus Andaya, Atty. Avelino Sumangui (members) at World Aquatics representative Mae Chen ng Malaysia.
“We’re very, happy, very democratic lahat dumaan sa proseso. Very well represented, talagang nakita natin iyong essence of inclusivity,” wika ni Tolentino.