MANILA, Philippines — Pinamunuan ni veteran tanker Gary Bejino ang arangkada ng Team Philippines nang magtala ito ng bagong record sa swimming competition ng 12th Asean Para Games kahapon sa Phnom Penh, Cambodia.
Si Bejino ang nagbigay ng unang gintong medalya ng Pilipinas sa pamamagitan ng record-breaking fashion.
Hataw si Bejino sa men’s 400-meter freestyle S6 sa bilis na limang minuto at 38.26 segundo para wasakin ang dating rekord na 6:07.99 ni Aung Myint Myat ng Myanmar na naitala noong 2017 edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Masaya tayo dahil una tayo na nakabigay ng unang ginto sa bansa natin,” ani Bejino na magtatangka pang humirit ng ginto sa 200m, 100m at 50m freestyle, 50m butterfly at 4x100m medley relay.
Umarangkada rin si Ernie Gawilan na naghari sa 400m freestyle S7 sa bendisyon ng 4:58.78 para makamit ang ikalawang ginto ng Pilipinas.
Hindi rin nagpahuli si Cendy Asusano na namayagpag sa women’s shot put F54 kung saan nagsumite ito ng 5.77m.
Pinataob ni Asusano si Vietnamese Nguyen Thi Ngoc Thuy na nagkasya sa pilak bunsod ng naitala nitong 5.48m habang pumangatlo si Pinay bet Marites Burce na may 4.84m.
Hahataw pa si Asusano sa javelin throw ngayong araw at sa discus throw sa Miyerkules.
“Tinatarget ko po three gold,” ani Asusano.
Nakahirit naman si Marydol Pamati-an ng isang ginto at isang pilak sa women’s 41-kilogram division ng powerlifting competition sa National Paralympic Committee Hall.
Nag-ambag naman si Achelle Guion ng dalawang pilak sa women’s 45kg division.
Kumana din si Ariel Joseph Alegarbes ng pilak sa 100m breaststroke SB14 matapos umoras ng 1:13.59.