MANILA, Philippines — Tuluyan nang binawian ng buhay ang Sarangani bantamweight na si Kenneth Egano matapos ma-comatose pagka-panalo sa kanyang laban nitong Sabado sa Imus, Cavite.
Miyerkules nang mamatay si Egano, 22-anyos, dahil ng head injuries na tinamo matapos ang walong rounds laban kontra sa kapwa Pinoy na si Jason Facularin.
Related Stories
"Ang buong ahensya ng Games and Amusements Board (GAB) ay nagdadalamhati sa pagpanaw ng professional boxer na si Kenneth Egano," sabi ng Games and Amusements Board sa isang paskil sa Facebook kahapon.
"Kami po ay nakikiramay sa pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan ni Kenneth. May his soul rest in peace."
Una nang nag-collapse si Egano habang inaantay ang opisyal na resulta ng kanyang laban, dahilan para isugod siya sa Imus Doctors Hospital. Inoperahan siya noong Linggo.
Ang labang Egano-Facularin ay nangyari sa boxing program ni eight-division champion at dating Sen. Manny Pacquiao na "Blow-By-Blow". Nangako naman si Pacquiao na aakuin ang lahat ng gastusin ni Egano sa ospital.
"There is nothing more precious than human life," wika noon ni Pacquiao nang marinig ang kondisyon ng kapwa boksingero.
"[B]oxing is truly a dangerous sport and the boxers deserve nothing but respect as they put their lives on the line... Other sports you play, but you don’t play boxing.”
Natapos ang karera ni Egano na may pitong panalo (tatlo sa pamamagitan ng knockout), isang talo at zero draws. — James Relativo