MANILA, Philippines — Tig-tatlong gold medals ang nilangoy nina Clevic George Daluz, Marcus Pablo, John Rey Lee, Samantha Mia Mendoza at Jamie Aica Summer Sy para tanghaling Most Outstanding Swimmers (MOS) sa pagtatapos ng COPA-Golden Goggle Leg 1 at 2 kahapon sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Center (RMSC) sa Malate, Manila.
Nanguna ang tubong Batangas na si Daluz sa boys’ 8-yrs class 50-m backstroke (51.03), 100-m breaststroke (2:01.11) at 200-m freestyle (3:36.78) sa opening day noong Sabado sa event na suportado ng Speedo, Philippine Sports Commission at MILO.
Nanguna naman si Pablo sa boys’ 7-yrs-class 200-m freestyle (4:14.17), 50-m back (1:00.01) at 100-m breast (2:14.28); habang bumandera si Lee sa 9-yrs old 100-m breast (2:10.26), 50-m back (52.33) at 200-m free (3:17.50).
Humataw si Mendoza sa girls’ 8-yrs. class 100-m breast (2:13.77); 50-m breast (55.29) at 200-m free (3:23.73) at bumida si Sy sa girls’ 12-yrs 100-m breast (1:41.87), 50-m back (38.68) at 200-m free (2:43.10).
Pasok na sila para sa Luzon Championship sa Agosto kung saan makakatapat nila ang mga top swimmers ng Visayas at Mindanao Regional Championship ng torneo na inorganisa ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) sa pamumuno ni swimming icon at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain.
Magpapatuloy ang Leg 3 at 4 ng torneo sa Abril 22-23.