MANILA, Philippines — Tanging si Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio ang natira sa tatlong Pinay na sumalang sa IBA Women’s World Boxing Championships sa New Delhi, India.
Dinomina ng 30-anyos na si Petecio si sixth seed Guy Tianna ng Trinidad and Tobago, 6-0, sa second round ng women’s 54-57 kg featherweight division.
Ginamit ng pambato ng Davao ang kanyang eksperyensa para talunin si Tianna mula sa nakolektang magkakatulad na 30-27 points sa mga Moroccan, Estonian, Serbian at Indonesian judges at 30-26 sa isang Venezuelan judge.
Sa nasabing torneo sinuntok ni Petecio ang gold medal noong 2019 sa Ulan-Ude, Russia matapos makuntento sa silver noong 2014 edition sa Jeju City, South Korea.
Sunod na lalabanan ni Petecio si Venezuelan fighter Omailyn Alcala na tinalo si Chandra Kala Thapa ng Nepal, 5-0.
Nauna nang yumukod si Aira Villegas kay Zlatislava Chukanova ng Bulgaria, 0-5, sa opening-round match ng 48-50kg light flyweight class.
Sumunod si Villegas kay 2022 Southeast Asian Games bronze medalist Riza Pasuit na kaagad nasibak sa 60-63kg light welterweight category noong Biyernes.