MANILA, Philippines — Nagpasabog ng malakas na puwersa ang Creamline para pataubin ang PLDT Home Fibr sa bisa ng 25-20, 25-21, 25-17 demolisyon upang angkinin ang unang silya sa semis ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Cool Smashers para itarak ang ikanim na panalo at mapatatag ang kapit sa solong liderato tangan ang 6-1 rekord.
Nagtulong sina two-time MVP Tots Carlos at middle blocker Celine Domingo katuwang si outside hitter Jema Galanza upang agad na tuldukan ang pagtatangka ng High Speed Hitters.
“Nagpay-off yung mga tini-training namin. I believe pa-peak pa lang kami na pagdating ng semis kaya pa namin pag-igihan ang laro namin,” ani Domingo.
Nagtala si Carlos ng 18 puntos tampok ang 15 attacks habang may 17 markers naman si Domingo galing 15 spikes at dalawang blocks.
Naglista naman si Jema Galanza ng 11 puntos samantalang may pinagsamang 13 hits sina Michele Gumabao at Jeanette Panaga.
Nanguna sa hanay ng High Speed Hitters si opposite spiker Michelle Morente na kumana ng 12 puntos at si middle hitter Mika Reyes na may 11 markers.
Ngunit hindi ito sapat para mahulog ang PLDT sa 4-2 kartada.
Nakalamang ng husto ang Cool Smashers sa attacks matapos magbaon ng 48 hits kumpara sa 31 ng High Speed Hitters.
Nagawa ito ng Cool Smashers sa tulong ni playmaker Jia Morado na nagsumite ng 20 excellent sets.
May 8-6 bentahe rin ang Creamline sa blocking department sa larong tumagal lamang ng isang oras at 29 minuto.