MANILA, Philippines — Shookt na shookt ang American pro-wrestler, Olympic gold medalist at WWE legend na si Kurt Angle matapos makita ang isang sari-sari store sa Pilipinas, na sa kung anong kadahilanan ay nakapangalan sa kanya.
Ito ang kanyang inispluk sa isang Instagram post, Huwebes (oras sa Pilipinas), bagay na may kalakip na litrato ng tindahang halatang sa Pilipinas nakatayo.
Related Stories
"I didn’t realize I had a store," wika ng freestyle wrestling gold medalist sa 1996 Atlanta Olympics habang tumatawa.
"if I actually did have a store, I’d be selling turkeys today. Happy thanksgiving everyone!!!!"
Saktong ipinaskil niya ito noong ika-24 ng Nobyembre kung kailan ipinagdiriwang ang Thanksgiving holiday sa Estados Unidos, kung saan madalas ihain sa hapagkainan ang turkey o pabo.
Makikitang may Red Horse beer (isang Filipino brand ng serbersa), RC Cola at Juicy Lemon soda sa karatula ng tindahan na karaniwang makikita sa sa bansa.
Pinagkatuwan tuloy ng netizens ang nasabing post, habang gumagawa ng "pun jokes" at memes kaugnay nito.
Sabi ng isang Facebook commenter, malamang ay nagbebenta ng ice candy, ice tubig at ice buko sa tindahan — na reference sa "three I's virtue" (intensity, integrity at intelligence) na madalas niyang tinutukoy noong pro-wrestler pa sa WWE.
"do they give you an anklelock at the counter?" wika naman ng IG user na si @martintrag sa comments, na siyang tumutukoy sa "finisher" ni Kurt.
Habang idinidiing totoo ang litrato, sinabi naman ni @akosibenedictus ang mga katagang, "it's true. It's damn true," na siyang laging sinasabi ng American grappler noon sa telebisyon.
Kasalukuyang retirado na si Kurt sa in-ring competition at in-induct sa WWE Hall of Fame noong Marso 2017.
Matatandaang naiuwi niya ang gintong medalya para sa Estados Unidos noon kahit na bali ang kanyang leeg.