MANILA, Philippines — Pamuunuan ni Tokyo Olympics campaigner Kurt Barbosa ang Philippine Team sa pagsabak sa SMART/MVP Sports Foundation National Carlos Palanca Jr. (CPJ) Taekwondo Championships sa Oktubre 8-9 sa Ayala Malls, Manila Bay sa Pasay City.
Inaasahang dodominahin ng two-time Southeast Asian Games champion ang men’s -54 kilogram class ng torneong inorganisa ng Philippine Taekwondo Association (PTA) bilang bahagi ng kanilang qualifying selection para sa nalalabing puwesto sa 2023 national team.
Magsisilbi ring tune-up ang torneo sa mga national team members na lalahok sa World Taekwondo Championship sa Nobyembre sa Guadalajara, Mexico.
Lalaro rin sa event na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at MILO sina 2019 Manila SEAG gold medalist Dave Cea, Arven Alcantara, Alfritz Arevalo, Joseph Chua at Laila Delo Baby Jessica.
Higit sa 1,000 taekwondo practitioners mula sa PTA affiliated organizations, schools at clubs sa buong bansa ang kumpirmadong lalahok sa kyorugi at poomsae events
Nakalatag sa kyorugi ang senior, junior, cade, grade school at toddler fighters para sa parehong lalaki at babae, habang ang poomsae ay hahatiin sa recognized (individual, team at mixed pair) at freestyle (individidual at mixed pair).
Ang mga varsity players na sumabak sa inter-collegiate championship noong nakaraang linggo ay kasama ring makikipagtuos sa torneo na itinuturing pinakamahirap at mapaghamon para sa mga miyembro ng Philippine team.