Unang Filipino na nakarating sa us open girls’ finals
MANILA, Philippines — Gumawa ng kasaysayan si Alex Eala bilang kauna-unahang Pilipinong tennis player na nakatungtong sa finals ng isang Grand Slam event.
Nagawa ito ni Eala matapos pataubin si ninth seed Canadian Victoria Mboko, 6-1, 7-6 (5) sa semifinals ng US Open girls’ singles kahapon sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa Flushing Meadows, New York City.
Maagang naglunsad ng malakas na puwersa si Eala para mabilis nitong makuha ang first set.
Subalit pumalag ang Canadian rival nito sa second set kung saan nakuha nito ang 1-3 kalamangan laban sa Pinay netter.
Mabilis na nakabangon si Eala nang kumana ito ng matatalim na atake para maitabla ang laro sa 6-6 at maipuwersa ang tiebreak.
Gitgitan ang dalawa sa tiebreak sa 4-4 nang muling umariba si Eala sa mga sumunod na game para tuluyang tuldukan ang pag-asa ni Mboko at makuha ang tiket sa finals.
Tumagal ang laro ng isang oras at 21 minuto.
Muling mapapalaban si Eala sa pagharap nito kay second seed Lucie Havlickova ng Czech Republic sa championship round ngayong araw.
“Isa pa,” ani Eala sa kanyang post sa social media.
Pinataob ni Havlickova si Diana Schnaider ng Russia sa bendisyon ng 6-4, 6-4 desisyon sa hiwalay na semis match.
Malalim na rin ang karanasan ni Havlickova na may dalawang Grand Slam titles kabilang ang 2022 French Open girls’ singles crown noong Hunyo.
Nagkampeon din si Havlickova sa 2022 French Open girls’ doubles kasama ang kababayan nitong si Sara Bejlek.
Sa kabilang banda, ito ang unang pagkakataon na masisilayan si Eala sa finals ng girls’ singles sa isang Grand Slam event.
Nauna nang nagkampeon si Eala sa girls’ doubles sa 2020 Australian Open at 2021 French Open.
Umaasa si Eala na muling daragsa ang Filipino community sa venue upang suportahan ang kanyang laban sa finals.
Malaki ang naitutulong ng Pinoy fans upang mas lalong ganahan ang Pinay netter sa bawat laro nito.