MANILA, Philippines — Habang nabigo si Chezka Centeno sa women’s singles ay umusad naman sa semifinals ng team event ang Team Philippines sa 2022 Predator World 10-Ball Championship sa Klagenfurt, Austria.
Tumumbok sina two-time world champion Rubilen Amit, US Open Pool titlist Carlo Biado at Johann Chua ng 3-1 panalo para talunin ang Poland patungo sa semis ng Predator World Teams Championship.
Tinalo ni Amit si Oliwia Zalewska, 4-1, at nakipagtambal kay Chua para igupo sina Zalewska at Tomasz Kaplan, 4-0.
Itiniklop ni Chua ang laro mula sa 4-0 demolisyon kay reigning men’s World 10-ball champion Wojciech Szewczyk na nauna nang bumigo kay Biado, 4-2.
Sasagupain nina Amit, Biado at Chua ang Team Germany, tinalo ang Spain, 3-1, sa semis at maghaharap naman ang Great Britain at Chinese Taipei.
Samantala, nakalasap si Centeno ng 6-9 kabiguan kay veteran Kelly Fisher ng Great Britain sa quarterfinals ng women’s singles.
Nauna nang umiskor ang 2022 Asian 9-ball champion na si Centeno ng 9-6 panalo kay Indonesian Angeline Ticoalu sa Last 16.