Beermen Philippine cup champions!

Ang San Miguel ang hinirang na kampeon sa Philippine Cup.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Ibinigay na ni Jayson Castro ang lahat, ngunit hindi pa rin ito sapat para maipanalo ang TNT Tropang Giga.

Muling napasakamay ng San Miguel Beermen ang PBA Philippine Cup trophy matapos talunin ang Tropang Giga, 119-97, sa ‘winner-take-all’ Game Seven kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Itiniklop ng Beermen ang kanilang best-of-se­ven championship series ng Tropang Giga sa 4-3 para angkinin ang ika-28 kam­peonato sa harap ng 15,195 fans.

“Sila ang hari ng ligang ito. Sila ang may gawa ng lahat ng ito kaya ako ay nagpapasalamat sa kanila dahil nagmukha na naman akong magaling,” ani coach Leo Austria sa kanyang mga players.

Humataw si CJ Perez ng 25 points at humakot si six-time PBA MVP at Best Player of the Conference June Mar Fajardo ng 19 markers, 18 rebounds at 5 assists.

Limang sunod na beses pinagharian ng SMC franchise ang All-Filipino conference simula noong 2015 hanggang 2019 bago nakasingit ang Ginebra Gin Kings noong 2020 at ang Tropang Giga noong 2021.

Tinapos ni Castro, nag­laro na may sprained right ankle, ang laro na may game-high na 32 points, 10 rebounds at 8 assists para sa PLDT franchise na naglaro na wala rin si coach Chot Reyes.

Bago kasi ang laro ay isinailalim si Reyes sa PBA health and safety protocols.

Humataw ang SMB ng 37 points sa kabuuan ng second period tampok ang pagtatayo ng 13-point lead, 65-52, sa huling 55.1 segundo bago ang halftime.

Nagpasabog naman si Castro ng 19 points sa third quarter para ibigay sa TNT ang 89-84 bentahe sa pagtatapos ng nasabing yugto.

Ngunit naghulog ang Beermen ng 20-2 bomba sa pagbibida ni Perez para muling iposte ang 104-91 kalamangan sa 8:45 minuto ng final canto.

Tuluyan nang nahulog ang Tropang Giga sa 94-116 pagkakabaon galing sa magkakabit na triples ni Chris Ross sa huling 3:17 minuto ng labanan.

Show comments