Williams mainit sa TNT

Nilusutan ni TNT Tropang Giga point guard Mikey Williams si Phoenix small forward Sean Anthony.
STAR/File

Bumida sa ika-3 dikit na panalo

MANILA, Philippines — Umiskor si Mikey Williams ng 11 sa kanyang 27 points sa fourth period para banderahan ang nagdedepensang TNT Tropang Giga sa 87-72 pagdaig sa Phoenix sa PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo

Kumonekta rin ang Season 46 Rookie of the Year ng limang three-point shots bukod sa 7 assists, 6 rebounds at 2 steals para sa ikatlong sunod na ratsada ng Tropang Giga na may 5-2 record.

“I think practice and motivation are the most important things,” sabi ni Williams sa maganda niyang inilaro sa second half matapos umiskor ng 9 points sa first half.

Nagdagdag si RR Pogoy ng 20 markers.

Ito naman ang pangalawang dikit na kamalasan ng Fuel Masters para sa 2-4 marka.

Bagama’t wala si forward Jason Perkins ay nagawa ng Phoenix na kunin ang 46-43 halftime lead.

Nakabawi naman ang TNT sa pangunguna nina Williams, Pogoy at Jay Alejandro para agawin ang 62-58 bentahe sa pagtiklop ng third quarter.

Pagdating sa fourth period ay nagsimula nang humataw si Williams kung saan niya ibinigay sa Tropang Giga ang 18-point advantage, 81-63, galing sa kanyang pang-limang triple sa 3:51 minuto nito.

Samantala, sumosyo ang San Miguel sa lide­rato matapos ang 111-92 demolisyon sa Converge tampok ang triple-double na 15 points, 13 rebounds at 12 assists ni CJ Perez.

Itinaas ng Beermen ang kanilang baraha sa 4-1 para makatabla ang Ginebra Gin Kings sa ibabaw ng team standings habang nalaglag ang FiberXers sa 2-4.

Show comments