MANILA, Philippines — Nasawata ng Ateneo de Manila University ang matinding kamada ng Adamson University, 25-20, 28-26, 25-22, para hablutin ang huling silya sa semis ng UAAP Season 84 women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Dikitan ang Lady Eagles at Lady Falcons sa buong panahon ng laro kung saan halos dikit lamang ang mga ito sa blocks (7-6) at aces (5-3).
Ngunit nakaungos ang Katipunan-based squad sa attacks tangan ang 50-40 bentahe.
Mainit si outside hitter Faith Nisperos na nagpasabog ng 18 attacks, dalawang blocks at dalawang aces kasama pa ang 10 receptions para pamunuan ang ratsada ng Lady Eagles.
Malakas ang suportang nakuha nito mula kay middle blocker AC Miner na nagrehistro ng 16 markers mula sa 12 attacks, dalawang blocks at dalawang aces habang nagsumite naman si Vannessa Gandler ng 12 hits.
Umiskor si playmaker Jaja Maraguinot ng 21 excellent sets katuwang si Roma Doromal na gumawa ng 12 digs at 16 excellent receptions.
Tanging si wing spiker Trisha Genesis lamang ang nagtala ng double digits para sa Lady Falcons nang makalikom ito ng 13 hits at 10 receptions.
Nagkasya sa siyam na puntos si Lucille Almonte habang tig-pito naman galing kina Rizza Cruz at Aliah Marce.
Haharapin ng fourth seed Ateneo ang third seed University of Santo Tomas sa first round ng stepladder semifinals sa Martes sa parehong venue.
Ang mananaig sa Lady Eagles-Golden Tigresses game ang uusad sa second round ng stepladder semis kontra sa No. 2 seed La Salle.