MANILA, Philippines — Muling tinalo ni Japanese world bantamweight champion Naoya ‘Monster’ Inoue si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. via second-round stoppage sa kanilang rematch kagabi sa Saitama Super Arena sa Japan.
Idinagdag ni Inoue sa kanyang mga suot na World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) titles ang suot na World Boxing Council (WBC) belt ni Donaire.
Ang kabiguan ang posibleng tuluyan nang magparetiro sa 39-anyos na si Donaire.
Walang sinayang na sandali si Inoue, may 23-0 win-loss-draw record ngayon tampok ang 20 KOs, at kaagad nirapido si Donaire (42-7-0, 28 KOs) sa opening bell.
Napabagsak ng 28-anyos na si Inoue ang Hall of Fame-bound na si Donaire mula sa isang mabigat na kanan sa sentido nito sa dulo ng first round.
Sa second round ay nagpaulan ang Japanese fighter ng matutulis na left hooks na nagpatumba sa Pinoy warrior sa second round.
Wala nang nagawa si referee Michael Griffin kundi awatin ang laban sa 1:24 segundo ng nasabing yugto.
Nauna nang tinalo ni Inoue si Donaire sa una nilang bakbakan noong 2019 via 12-round via unanimous decision.