LUCENA CITY, Philippines — Tomodo ng padyak sa mga ahon na daan si Go for Gold rider Jonel Carcueva upang hawakan ang overall leader matapos ang Stage 5 ng LBC Ronda Piilipinas 2022 kahapon.
Dumating na pang pito ang 26-anyos na si Carcueva bitbit ang oras na 5:17:49 sa 206 km stage 5 na pinagwagian ni Joshua Mari Bonifacio ng Go for Gold.
“Sobrang hirap po ang daming akyat, pero ginawa ko po ang lahat para manalo,” saad ni Carcueva na pakay na magkampeon ngayong taon.
Nakalikom si Carcueva ng 15:02:52 sapat upang upuan ang top spot ng GC at hubaran ng Red Jersey si two-time Ronda champion Jan Paul Morales ng Excellent Noodles.
Sumemplang sa No. 2 spot si Morales habang lumanding sa pangatlo ang teammate nitong si Mervin Corpuz sa event na suportado ng LBC Express, Inc., MVP Sports Foundation, Quad X, Smart, Twin Cycle Gear, Standard Insurance, Print2Go, Elves Bicycles, Elitewheels, Orome, Maynilad, PhilHydro at Garmin.
Segundong dumating sa meta si El Joshua Carino ng Navy Standard Insurance habang tersero si Ronnilan Quita ng Go for Gold.
Samantala, nasikwat na ng Navy Standard Insurance, (42:32:26) ang overall team classification, pangalawa ang Go for Gold habang pangatlo ang Excellent Noodles.
Pakakawalan ngayong araw ang 157.4km Lucena-Tagaytay Stage Six.