MANILA, Philippines — Maagang tumungong Sorsogon ang Navy Standard Insurance team upang paghandaan ang 10-stage LBC Ronda Pilipinas 2022 na magsisimula sa Sorsogon bukas at magtatapos sa Baguio sa Marso 20.
Hinahanda na ni George Oconer ang kanyang bisikletang gagamitin para sa pagdepensa ng kanyang titulo sa event na suportado at inisponsoran ng LBC Express, Inc., MVP Sports Foundation, Quad X, Twin Cycle Gear, Standard Insurance, Print2Go, Elves Bicycles, Elitewheels, Orome, Maynilad at Garmin.
Nais din ng Navy riders sa pamumuno ni team captain at 2019 Ronda champion Ronald Oranza na manatiili sa kanila ang overall team champion.
“Malaki ang chance na manalo, gagawin ko ang lahat sa tulong ng aking mga kakampi para mag-champion sa individul at team,” wika ng 30-anyos na si Oconer.
Maliban kina Oconer at Oranza, huhugot ng puwersa ang Navy kina El Joshua Carino, Ronald Lomotos, Junrey Navarra, John Mark Camingao, Esteve Hora at Jeremy Lizardo.
Posibleng maging mahigpit na karibal ng Navy ang Excellent Noodles na ipinagmamalaki sina former Ronda winners Jan Paul Morales at Santy Barnachea.