MANILA, Philippines — Winalis ni Filipino-Canadian Alex Pagulayan ang lahat ng tatlong korona sa 2022 Scotty Townsend Memorial na ginanap sa West Monroe sa Los Angeles, California.
Unang umarangkada si Pagulayan sa One Pocket Division kung saan pinataob nito si Scott Frost ng Amerika sa finals para maibulsa ang tumataginting na $9,000 premyo.
Hindi pa nagpatinag si Pagulayan nang mapasakamay nito ang korona sa 9-Ball Division matapos payukuin si Robbie James Joaquin Capito ng Hong Kong at makamit ang $5,300 top purse.
Kinumpleto ni Pagulayan ang matamis na sweep makaraang kubrahin din nito ang kampeonato sa 10-Ball mini event para sa $1,850 premyo.
Ito ang unang tatlong titulo ni Pagulayan sa taong ito.
Sa kabuuan, may $21,467 premyo nang nalilikom si Pagulayan para umangat sa ranking ng world moneymaker list ng az billiards.
Nasa ikasiyam na puwesto ito sa ranking habang nangunguna si Russian Fedor Gorst na may $93,212 premyo.
Kapuna-punang wala sa listahan si reigning Money Maker king Dennis Orcollo matapos itong ma-deport sa Pilipinas dahil sa problema sa visa.