Paat naka-isa na sa Thailand

MANILA, Philippines — Gaya ng ibang volleyball players na naglalaro sa ibang bansa, hindi nakapagdiwang ng holiday season si opposite hitter Mylene Paat sa Pilipinas.

Hindi nakauwi sa Pilipinas si Paat ngayong holiday season dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols lalo pa’t kumakalat na ang Omicron variant ng coronavirus disease (COVID-19).

Kaya naman nakuntento na lamang si Paat sa video call sa kanyang mga mahal sa buhay noong araw ng Pasko at sa dara­ting na Bagong Taon.

Ganito rin ang eksena nina Jaja Santiago, Bryan Bagunas at Marck Espejo na naglalaro naman sa Japan V.League.

Gayunpaman, nakatikim na ng panalo si Paat sa kanyang kauna-unahang international stint sa commercial tournament.

Naging katuwang si Paat ng Nakhon Ratchasima para itarak ang 26-24, 25-21, 20-25, 25-18 panalo laban sa 3BB Nakornnont sa 2021-22 Volleyball Thailand League na ginanap sa MCC Hall - The Mall Bangkapi sa Bangkok, Thailand.

Nag-ambag ng mga krusyal na puntos ang Pinay spiker partikular na sa huling sandali ng fourth set upang dalhin ang Nakhon Ratchasima sa unang panalo sa tatlong laro.

Gitgitan ang Nakhon Ratchasima at Nakornnont sa unang dalawang yugto ng laban ngunit nagawang mahablot ng tropa ni Paat ang naturang mga sets para sa 2-0 kalamangan.

Ilang errors ang naitala ng Nakhon Ratchasima sa third set na sinabayan pa ng magandang momento ng Nakornnont para makabawi ang huli at makadikit sa 1-2.

Subalit umarangkada na ng husto ang Nakhon Ratchasima sa fourth set para tuluyang makuha ang panalo.

Show comments