MANILA, Philippines — Posible ring lumahok sina national triathletes John Leerams Chicano at Kim Mangrobang sa duathlon event ng 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo ng 2022.
Ito ay dahil tatarget ng silya sa national duathlon team sina Chicano at Mangrobang, mga double-gold winners sa triathlon event noong 2019 SEA Games, ayon kay Triathlon Association of the Philippines (TRAP) president Tom Carrasco.
Sasabak sina Chicano at Mangrobang sa 2021 National Duathlon Trials na pakakawalan sa Linggo sa Clark Parade Grounds kung saan kukunin ang mga miyembro ng national team.
Nagkaroon ng bakante sa national duathlon team matapos magretiro si 2019 SEA Games gold medalist Monica Torres, habang nagkaroon ng injury si silver medal winner Joey delos Reyes.
Naniniwala si Carrasco na kakayanin nina Chicano at Mangrobang na maglaro sa duatlon sa Vietnam SEA Games bukod sa triathlon event.
Ang triathlon ay isang swim-bike-run event, habang ang duathlon ay run-bike-run race.
Sasali rin sa National Duathlon Trials sina 2019 SEA Games silver medalist Kim Remolino, two-time SEA Games triathlon golden boy Nikko Huelgas at 2019 SEAG duathlon mixed relay bronze me-dalists Efraim Inigo at Mary Pauline Fornea.