Hindi lang sa Japan
MANILA, Philippines — Maliban sa mga Pinoy cagers na umaariba sa Japan B.League, tatlong Pinoy players din ang magpapasiklab sa pagsisimula ng 2021-2022 inaugural season ng T1 League sa Taiwan.
Bumabandera na sa listahan si dating Alab Pilipinas standout Jason Brickman na masisilayan sa aksyon para sa Kaohsiung Aquas.
Aarangkada rin si Caelan Tiongson para naman sa Taoyuan habang kung matutuloy si Gilas Pilipinas standout Jordan Heading, ito ang magiging ikatlong Pinoy player sa liga matapos itong kunin ng Taichung Suns.
Ito ang unang season ng T1 League kung saan anim na koponan pa lamang ang nagkumpirma ng partisipasyon.
Nakatakdang magbukas ang liga sa Nobyembre 27 at matatapos sa Mayo 1.
Sa inilabas na inisyal na iskedyul ng mga laro, may 30 games ang lalaruin ng anim na teams.
Unang masisilayan sa aksyon si Brickman na pamumunuan ang Kaohsiung Aquas laban sa Taiwan Beer Hero Bears sa opening day ng liga.
Sunod na sasabak si Heading kasama ang Taichung Suns na haharap laban sa Taiwan Beer Hero Bears sa Disyembre 11.
Masisilayan naman sa aksyon si Tiongson at ang kanyang tropang Taoyuan sa Disyembre 12 laban sa Taiwan Beer Hero Bears.
Wala pang linaw kung makalalaro si Heading sa T1 League matapos umalma ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na may kontrata itong pinirmahan sa asosasyon bilang bahagi ng Gilas Pilipinas program.
Nilinaw naman ng pamunuan ng Suns na wala itong nilabag na panuntunan ng FIBA o ng liga sa pagkuha sa serbisyo ni Heading.