MANILA, Philippines — Kung mapapatunayang sangkot sa game-fixing si Daniel De Guzman ng San Miguel 3x3 team ay tuluyan na siyang tatanggalan ng lisensya ng Games and Amusements Board (GAB).
Pansamantalang sinuspinde ni GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang lisensya ni De Guzman nang hindi ito dumalo sa ipinatawag nilang Zoom meeting noong nakaraang linggo.
“Sa ngayon kung magkakaroon ng 3x3 ang PBA, hindi muna siya makakalaro and administrative proceedings will now start,” ani Mitra kahapon sa online session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum. “Possibly if found guilty, GAB may withdraw the issuance of his license.”
Si De Guzman ay hindi listed player sa lineup ng Beermen, kaya wala siya sa closed-circuit bubble sa Bacolor, Pampanga.
Sa screenshots ng isang Viber conversation ay nagbibigay ang isang lalaki na sinasabing si De Guzman, ang No. 42 overall pick ng San Miguel noong 2019 PBA Draft, ng betting tips sa kanyang kaibigan sa Nueva Ecija kapalit ng balato.
Nagalit ito kay De Guzman dahil sa maling tip na ibinigay nito sa laro ng Beermen at Ginebra Gin Kings noong Setyembre 10 na ipinanalo ng SMB, 111-102.
Sakaling tanggalan ng GAB ng lisensya si De Guzman ay hindi na siya makakalaro sa mga professional leagues.