MANILA, Philippines — Ang pansamantalang pagsuspinde sa kanyang lisensya ang ipinataw ng Games and Amusements Board (GAB) kay Daniel De Guzman dahil sa pang-iisnab ng San Miguel player sa ipinatawag nilang Zoom meeting.
Gusto sanang makuha ng GAB mismo kay De Guzman ang bersyon nito sa isyu ng kinasangkutang game-fixing.
“He shall not be allowed to use his license in the meantime and if proven guilty he may loose his professional basketball players license,” sabi ni GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra .
Si De Guzman ay hindi listed player sa lineup ng Beermen, kaya wala siya sa closed-circuit bubble sa Bacolor, Pampanga.
Maglalaro sana siya sa San Miguel 3x3 squad.
Sa screenshots ng isang Viber conversation ay nagbibigay ang isang lalaki na sinasabing si De Guzman, ang No. 42 overall pick ng San Miguel noong 2019 PBA Draft, ng betting tips sa kanyang kaibigan sa Nueva Ecija kapalit ng balato.
Nagalit ang nasabing kaibigan kay De Guzman dahil sa maling tip na ibinigay nito sa laro ng Beermen at Gin Kings noong Setyembre 10 na ipinanalo ng SMB, 111-102.
Mariing itinanggi ni De Guzman at ng kanyang agent/manager na si Danny Espiritu ang akusasyon sa kanya.
Samantala, inihahanda na ng GAB ang mga kasong isasampa laban sa mga players at opisyal na napatunayang sangkot sa game-fixing sa laro sa VisMin Cup Visayas leg.