MANILA, Philippines — Maglalaro si Filipino-American outside hitter Kalei Mau sa 2021 AVC Asian Women’s Club Volleyball Championship na papalo sa Oktubre 1 hanggang 7 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Mismong si Mau ang nagkumpirma ng magandang balita sa kanyang social media account kung saan mula Hawaii, babalik ito sa Pilipinas para samahan ang national team sa training camp. Matapos ang training camp, tutulak na ang buong team sa Thailand sa Setyembre 27.
“I’m gonna be home (in Hawaii) for the month and then I’m gonna be training and I’m going to Thailand to join the national team of the Philippines to play in the AVC. Let’s go! Sambansa!” ani Mau.
Hindi nakalahok si Mau noong 2019 Southeast Asian Games dahil sa affiliation nito sa USA volleyball federation.
Ngunit inaprubahan na ng International Volleyball Federation (FIVB) ang transfer of federation ni Mau noong Hulyo kaya’t wala nang balakid sa kanyang national team stint.
Makakasama ni Mau sa women’s national pool sina Majoy Baron, Mylene Paat, Aby Maraño, Mhicaela Belen, Kamile Cal, Eya Laure, Imee Henandez, Jennifer Nierva, Ivy Lacsina, Bernadette Pepito, Faith Nisperos, Ria Meneses, Iris Tolenada, at Dell Palomata.
Pasok din sina MJ Philips, Rhea Dimaculangan, Dindin Santiago-Manabat, Kim Dy, Tin Tiamzon, Dawn Macandili, Jema Galanza, Deanna Wong at Kat Tolentino.