MANILA, Philippines — Aarangkada na ngayong araw ang best-of-three semifinals ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Leg sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Unang masisilayan ang salpukan ng Pagadian at Roxas sa alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Clarin at Zamboanga City sa alas-6 ng gabi.
Bigo ang Clarin na makuha ang elimination sweep matapos matalo sa Basilan sa kanilang huling asignatura.
Dahil dito, ibubuhos ng Clarin ang ngitngit nito sa Zamboanga City sa Game 1 ng semis series.
“Nagpahinga lang kami at training lang para sa JPS kasi alam naman namin na hindi basta basta ang JPS. Isa sa mga powerhouse team yan,” ani Clarin head coach Miguel Borilla Jr.
Malaki ang bentahe ng Clarin dahil tinalo na nito ang Zamboanga City sa kanilang unang paghaharap sa seliminasyon sa iskor na 95-69.