MANILA, Philippines — Nagdeklara nang pagliban sa darating na conference ng Premier Volleyball League ang aking koponon na F2 Logistics Cargo Movers noong Biyernes, ika-9 ngayong buwan.
Maraming unfavorable circumstances ang nangyari sa amin kaya hindi kami nakapagsimula kaagad ng bubble training. May ilan sa amin ang nagkaroon ng exposure sa Covid-19 kung saan isa ito sa dahilan ng pagkadelay. Kinailangan makarecover muna at sa panahon naman kung saan kumpleto na kami at nagsisimula na ang bubble training. Marami sa amin ang may iskedyul ng vaccination. Dahil kailangan sumunod sa mahigpit na safety protocols na ipinatupad ng Games and Amusement Board at IATF, lahat ng lalabas sa bubble para magpavaccine ay kailangan sumailalim muli sa quarantine pagbalik sa bubble training. Imagine, ilang araw kaming naka isolate bago muling makakatraining dahil lang lumabas kami para magpavaccine. Ganoon katindi ang pag-iingat.
Isang taon at mahigit kaming walang face-to-face training. Kaya naman noong magsimula na kami ulit mag-ensayo, naglabasan ang mga old injury ng ilan sa amin at nagkaroon naman ng bagong injuries ang ilan. Ngunit mild lang naman. Pero kahit mild ito ay hindi dapat ito minamaliit. Hindi biro lahat ng injury. Dapat isaalang-alang ang long term carrer namin. Nakasalalay parati ang kaligtasan ng aming katawan sa trabahong ito.
Wala sa sistema namin ang pagsali ng hindi handa. Kailangan namin ng sapat na oras para makapaghanda sa isang propesyunal na kompetisyon kaya mahalaga ito sa amin lalo na ngayon, kailangan magrecover dahil normal na sa phase na ito naglalabasan ang injuries. Ngunit pagkatapos ng ilan pang buwan, magiging ganap na matibay na ang katawan namin sa kabuuan. Papalag na sa bakbakan kahit pa pangmatagalan.
Isa pang hamon ay pagkakaroon ng mga player na bahagi ng National Team. Binibigyang konsiderasyon ng F2 management at coaches ang pagtutuon namin ng commitment upang magsilbi para sa bayan sakaling tawagin kami nito. Sa ika-28 ng Agosto gaganapin ang Asian Volleyball Championship na tayo ang host. Ilan sa aming manlalaro ng F2 ang kabilang sa mahalagang international competition na iyon. Kaya naman magpopokus din kami sa ensayo for National Team.
It’s not a “No” for us, but a “Not Yet”.
Nawa’y maging matagumpay ang kauna-unahang professional league ng volleyball sa Pilipinas!