MANILA, Philippines — Di hamak na mas malakas si eight-division world champion Manny Pacquiao kumpara kay undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.
Ito ang pananaw ni YouTuber Logan Paul matapos bumisita sa training camp ni Pacquiao sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Personal na nakita ni Paul ang lakas ng kamao ni Pacquiao.
Kaya naman, tama ang naging desisyon nito na si Mayweather ang nakaharap nito imbes na si Pacquiao dahil ayaw nitong maranasan ang bagsik ng kamao ng Pinoy pug.
Ibinahagi pa ni Pacquiao ang naging pagbisita ni Paul sa kanyang social media account.
“After watching me work out, he said he was glad he fought Mayweather instead of me. Honored to have @loganpaul come by Wild Card gym today,” ani Pacquiao.
Matatandaang nagtuos sina Paul at Mayweather sa isang exhibition match noong Hunyo sa Hard Rock Stadium sa Miami, Florida.
Maliban kay Paul, bumisita rin sa training ni Pacquiao si Filipino-American Jalen Green na isa sa tinututukang magiging top pick sa NBA Annual Rookie Draft.
Nasa puspusang paghahanda si Pacquiao para sa laban nito kay reigning World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion Errol Spence Jr. sa Agosto 22 Manila time sa Las Vegas, Nevada.