Espejo balik sa Japan V.League

MANILA, Philippines — Muling aarangkada si outside hitter Marck Jesus Espejo sa Japan V.League.

Ito ay matapos pormal na pumirma ng kontrata ang five-time UAAP MVP sa FC Tokyo volleyball team.

Papalo si Espejo para sa 2021-2022 season ng Japan V.League na inaahasang magsisimula sa huling bahagi ng taon.

Ang FC Tokyo na mismo ang nagsiwalat ng magandang balita kung saan mainit nitong tinanggap ang Pinoy spiker.

“Wishing you all the best in Tokyo, Marck! Team Awesome is with you all the way,” ayon sa post ng FC Tokyo sa kanilang social media account.

Hindi naman na bago si Espejo sa Japan V.League.

Una na itong sumalang noong 2018 kasama ang Oita Miyoshi Weisse Adler.

Matapos ang kanyang paglalaro sa Japan, nasilayan sa aksyon si Espejo sa Thailand Volleyball League suot ang jersey ng Visakha noong 2020.

Nakapaglaro na rin si Espejo para sa Bani Jamra sa Isa Bin Rashid Volleyball League sa Manama, Bahrain mula Nobyembre 2020 hanggang Enero 2021.

Show comments