See you in Tokyo!’—Didal

Margielyn Didal
STAR/Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng world skateboarding federation ang paglahok ni 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan sa susunod na buwan.

“I don’t know what to say but GRAZIE MILLE,” sabi ni Didal, kasalukuyang nasa Rome, Italy, sa kanyang Facebook post. “See you in Tokyo.”

Umakyat ang 22-anyos na si Didal sa No. 13 sa World Skating Rankings matapos sumabak sa nakaraang Street World Championships sa Rome.

Kabuuang 20 tiket ang itinaya para sa Tokyo Olympics – ang tatlo ay para sa mga podium finishers ng World Championship, ang 16 ay base sa Olympic rankings at isa para sa host country.

Kasalukuyang nag-eensayo si Didal sa Rome bilang paghahanda sa 2021 Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

Kakampanya si Didal, ang 2019 Southeast Asian Games double-gold meda­list,  sa street skateboarding event na nakatakda sa Hulyo 25 at 26.

Ito ang unang pagkakataon na lalaruin ang skateboarding sa Olympics.

Ang Cebuana skater ang ika-10 Pinoy qualifier para sa 2021 Tokyo Olympics.

Ang siyam pa ay sina 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist at weightlifter Hidilyn Diaz, gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena, taekwondo jin Kurt Barbosa, rower Cris Nievarez, boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.

Show comments