Kiamco sinargo ang titulo sa Louisiana

MANILA, Philippines — Dinomina ng Pinoy cue masters ang 6th Annual Buffalo’s Pro Classic Open 9-Ball na ginanap sa Buffalo’s Billiards sa Jefferson, Louisiana sa Amerika.

Nakumpleto nina Warren Kiamco, Roland Garcia at dating World 9-Ball champion Carlo Biado ang 1-2-3 finish para matikas na iwagayway ang bandila ng Pilipinas.

Pinataob ni Kiamco si Garcia sa all-Filipino championship round para maiuwi ang $4,500 premyo.

Nagkasya naman sa $2,300 konsolasyon si Garcia habang napasakamay ni Biado ang $1,200 cash prize.

Ito ang ikaapat na titulo ni Kiamco sa taong ito matapos pagharian ang 5th Annual Barry Behrman Memorial Spring Open 9-Ball noong Abril, Diveney Cues Bar Box Classic 10-Ball Division noong Mayo at Racks on the Rocks Classic 9-Ball Mini noon ding Mayo.

Sa kabuuan, may nalikom nang $28,900 premyo si Kiamco sa US circuit para okupahan ang ikaanim na puwesto sa Money Maker List.

Nangunguna sa lista­han si dating world cham­pion Dennis Orcollo na may $65,805 winnings matapos humakot ng siyam na titulo sa kasalukuyan.

Show comments