Bucks sigurado na rin sa playoffs

Umabante ang Milwaukee sa kanilang pang-limang dikit na playoff appearance at asam ang una nilang NBA title matapos noong 1971.
STAR/ File

MILWAUKEE, Philippines — Kumamada si Giannis Anteto-kounmpo ng 36 points at 12 rebounds at gumamit ang Bucks ng rally sa fourth quarter para talunin ang Brooklyn Nets, 124-118 at angkinin ang playoff berth sa Eastern Conference.

Umabante ang Milwaukee sa kanilang pang-limang dikit na playoff appearance at asam ang una nilang NBA title matapos noong 1971.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Bucks (41-24) kontra sa Nets (43-23) makaraan ang 117-114 tagumpay noong Linggo.

Matapos makalapit ang Brooklyn sa apat na puntos sa huling 1:02 minuto ng fourth period ay nagsalpak si Antetokounmpo ng dalawang free throws kasunod ang agaw ni Jrue Holiday para selyuhan ang panalo ng Milwaukee.

Umiskor si Kyrie Irving ng 38 points at may 32 markers si Kevin Durant sa panig ng Nets.

Sa Los Angeles, tumipa sina Paul George at Marcus Morris ng tig-22 points sa 105-100 pagpapabagsak ng Clippers (44-22) sa Toronto Raptors (27-39).

Sa Cleveland, nagposte si Devin Booker ng 31 points at nagdagdag si Chris Paul ng 23 markers at 16 assists sa 134-118 overtime win ng Phoenix Suns (47-18) sa talsik nang Cavaliers (21-44).

Sa Miami, kumonekta si Tim Hardaway Jr. ng 10 triples para sa kanyang 36 points sa 127-113 pagdaig ng Dallas Mavericks (37-28) sa Heat (35-31) para okupahan ang No. 5 slot sa Western Conference.

Show comments