Kiamco kampeon sa Behrman Memorial 9-Ball

MANILA, Philippines — Namayagpag si two-time Asian Games silver medalist Warren Kiamco sa 5th Annual Barry Behr-man Memorial Spring Open 9-Ball na ginanap sa Q Master Billiards sa Virginia, USA.

Hindi nakaporma sa tikas ng Cebu City pride si Manny Chau ng Peru matapos itarak ang impresibong 11-5 desisyon sa championship round.

Ito ang unang titulo ni Kiamco sa taong ito at ibinulsa ang $4,500 top purse samantalang naiuwi ni Chau ang $2,300 runner-up purse.

Nakasiguro ng tiket sa final round si Kiamco makaraang gulantangin si dating world champion Mika Immonen ng Finland sa semifinals sa dikitang iskor na 9-8.

Sa first round, agad na nagparamdam ng pu-wersa si Kiamco nang ilampaso nito si Tom Czaplicki, 9-2 bago itakas ang pukpukang 9-8 desis-yon kontra kay American Hall of Famer Johnny Archer sa second round.

Pinataob din ni Kiamco sina Daniel Sardoncillo sa third round (9-3), kababayang si Jeffrey De Luna sa fourth round (9-8) at Reymart Lim sa quarterfinals (9-4).

Magandang panalo ito para kay Kiamco na nagkasya lamang sa dalawang sunod na runner-up finishes sa One Pocket at 10-Ball events ng Iron CIty Open kamakailan. Ilang torneo pa sa US Circuit ang lalahukan nito.

Show comments