MANILA, Philippines — Handa si men’s volleyball team captain John Vic De Guzman na pansamantalang talikuran ang showbiz upang isentro ang kanyang atensiyon sa training ng national team.
Kasama si De Guzman sa 31 players na sumipot sa tryouts ng men’s volleyball para sa Vietnam Southeast Asian Games noong Huwebes sa Subic Gymnasium. At kung papalaring muling makasama sa lineup, desidido na si De Guzman na huminto muna sa showbiz sa oras na pumasok sa isang bubble training ang national team.
“Nagpaalam na ako sa managers ko po at sinabi ko na kung makapasok man ako sa team at matuloy ‘yung bubble, kailangan ko pong hindi umattend ng tapings at commitments sa showbiz pansamantala so I can focus 100% sa training,” ani De Guzman.
Kasama si De Guzman sa men’s team na nakasungkit ng pilak na medalya noong 2019 Southeast Asian Games sa Philsports Arena sa Pasig City.