MANILA, Philippines — Kagaya ng iba pang sports associations, magdaraos din ang Philippine Football Federation (PFF) ng kanilang kauna-unahang online football tournament sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang PFF eTrophy ay sisipa sa Abril 15 at 16, ayon kay PFF president Mariano “Nonong” Araneta Jr. na tumatayo ring Chef De Mission ng Team Philippines sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Mag-iimbita ang PFF ng mga esports players sa buong bansa para paglabanan ang karapatang mapabilang sa national team na isasabak sa mga electronic football tournaments pati na sa FIFAe Nations Series 2021.
Gagamitin ng PFF ang FIFA 21 sa PlayStation 4 para sa PFF eTrophy na magtatampok sa walong players na hahatiin sa dalawang grupo na may tig-apat na miyembro.
Magtatagisan ang dalawang koponan sa single round-robin group stage at ang top two players ng bawat grupo ang aabante sa crossover knockout phase.
Pag-aagawan ng magwawagi sa semifinals ang inaugural PFF eTrophy at ang karapatang katawanin ang bansa sa FIFAe Nations Series.